“Kahit init at ulan, nagsusumikap talaga kami sa paghatid ng serbisyo ng kalusugan sa aming pamayanan”
– Melia Busaw, IDEALS IBRIDGE IP Volunteer
Sa malayong sityo sa bayan ng Roxas, Oriental Mindoro nakatira ang isa sa IP volunteer ng proyektong IBRIDGE ng IDEALS na si Melia Busaw, 40 na taong gulang.
Noong Hunyo ay nagsagawa ng isang pagsasanay ang IDEALS para sa pagrerehistro ng kapanganakan at isa si Melia sa napili. Nakilala siya sa kanyang dedikasyon sa pagtulong sa kapwa niya katutubo.
“Gusto kong maihatid sa aking mga katutubong Mangyan and serbisyo para sa pagkuha ng birth certificate. Para ako ay makatulong sa kanila. Yung wala na birth certificate ay mapagawan ang bagong silang na anak”
Nagsasagawa siya ng isang pagpupulong sa komunidad kung paano mauunawaan at maiintindihan ng mga kapwa niya katutubo ang pagkuha ng birth certificate.
Bukod sa pagiging volunteer, isa din siyang Barangay Health Worker (BHW) sa kanilang barangay. Ang isang BHW ay ang pangunahing nagbibigay ng serbiyong pangkalusugan sa mga komunidad alinsunod sa mga alituntunin na ipinahayag ng DOH.
“Naranasan [ko] na kahit init at ulan, nagsusumikap talaga kami sa paghatid ng serbisyo ng kalusugan sa aming pamayanan. Bagamat maliit lang yung sahod, nasa 750 [kada buwan], nagtitiis talaga kami para maihatid yung serbisyong pangkalusugan.”
Isa hanggang dalawang oras ang kailangan niyang lakarin upang maabot ang mga sityo na kanyang hawak bilang isang BHW. Pagtawid ng ilog at paglakad sa mga batuhan ang kailangan nilang baybayin upang makarating sa pamayanan.
“Masaya ako na nakakatulong ako sa kapwa ko. Bagamat wala itong kapalit, nagseserbisyong tapat para sa aking mga kapwa” dagdag niya.