Natunayan ni Randy delos Santos na kayang tumawid ng paghilom at pag-asa mula sa sarili tungo sa kapwa. “Hindi natatapos ang aking responsibilidad bilang tao na humahanap ng hustisya, may magagawa ako para gabayan ang iba pang pamilya,” aniya.
Nabago ang buhay ni Randy matapos ang masalimuot na pagpaslang sa pamangkin niyang si Kian delos Santos na naging biktima sa kampanya kontra droga ng Administrasyong Duterte noong 2016. Nakaranas man siya ng diskriminasyon at pagkawala ng trabaho, nakabangon si Randy sa tulong ng Programang Paghilom na sinimulan ni Fr. Flavie Villanueva.
“Akap-akap ko si Kian. Sabi ko habang nabubuhay ako, sisikapin kong papanagutin ko ang mga taong pumatay sayo. Pwede kong itawid ang pangakong yun sa mga pamilyang nakakausap ko– bigyan sila ng pag-asa na pwedeng makamit ang hustisya basta, itutuloy lang ang laban.”
Sa ngayon, isa siyang coordinator at punong kaagapay ng mga pamilyang biktima ng extrajudicial killings. Kasama ang IDEALS, Inc. nagbibigay sila ng psychosocial at legal na suporta para sa kanila. “Huwag mapagod at huwag panghinaan ng loob. Patuloy na manalangin at humingi ng grasya sa Diyos. Mawawala lang ang pag-asa kung titigil ka.”