RIGHTS IN CRISIS AND EMERGENCIES
Mga IDP, naglunsad ng survey para sa mga namatayan sa gera ng Marawi
Isang grupo ng volunteer enumerators ay naglalakbay patungo sa iba’t ibang barangay upang makipanayam sa mga pamilya ng mga nasawi sa Marawi Siege
Marawi City – Ilang bakwit na nawalan ng kamag-anak sa gera ng Marawi ang nagsagawa ng survey upang alamin ang kalagayan ng mga pamilyang, tulad nila, ay namatayan din sa gitna gera.
Kasama ang organisasyon na Initiatives for Dialogue and Empowerment through Alternative Legal Services (IDEALS), lampas 100 na pamilya sa Marawi at Iligan ang ininterbyu ng siyam na volunteer ukol sa kaalaman nila sa proseso ng management of the dead and missing (MDM) o ang paghanap at pagkuha sa bangkay ng kanilang mga kamag-anak sa gitna ng sakuna.
Ang survey ay naglayong malaman ang karanasan ng mga biktimang ito, at kung sila man ay nakatanggap ng tulong sa gobyerno buhat ng pagkamatay ng kanilang kamag-anak sa Marawi Siege.
Ang impormasyong nakalap sa survey ay gagamitin sa paggawa ng polisiya na isusumite sa mga munisipyo sa Marawi at Maguindanao. Layon nitong mapaayos ang proseso ng paglibing at pagkuha sa mga bangkay, at mapalawak ang kaalaman ng mga sibiliyan sa mga serbisyo na maaari nilang makuha kung sakaling sila ay mamatayan dahil sa kalamidad.
Ang mga volunteer naman ay kabilang sa 21 na indibidwal sa Marawi at Maguindanao na nakatanggap ng training sa survey enumeration. Umikot sa 19 na barangay sa Marawi at Iligan ang mga volunteer mula Nobyembre 2019 hanggang Pebrero 2020.
Ayon kay Akisah Lansao, isa sa mga volunteer, “Nag enjoy po ako talaga kasi ‘yong mga lugar na hindi ko napuntahan eh napuntahan ko na.”
Dagdag niya, ito’y naging paraan upang maparinig ang boses ng mga nawalan ng minamahal dahil sa gera.
“Pag nag interview ka, ramdam mo ‘yong pangungulila ng isang pamilyang nawalan or namatayan ng anak, asawa, tatay man o ina during sa siege. Pero, due prayers lang po na sana maka-move on yung mga taong naapektuhan sa Marawi siege,” ika niya.
Ang mga volunteer ay kabilang sa proyektong Bring Voice to MDM na sinisikap na maipadali ang proseso ng pagkuha sa bangkay ng mga namatay sa sakuna o kalamidad. Maliban sa Marawi, isinasagawa rin ang proyekto sa Datu Saudi Ampatuan at Shariff Aguak, Maguindanao.