HUMAN RIGHTS

Paralegal training, dinaluhan ng mga volunteer ng Simbahang Katolika

By Jag San Mateo

Nagsagawa ng workshop ang IDEALS, Inc., para magbigay kaalaman tungkol sa mga isyu ng batas at karapatang pantao na laganap sa komunidad.

Nagsama-sama sa isang virtual workshop ang mga Katolikong volunteer mula sa Mindanao para paigtingin ang kaalaman nila tungkol sa batas at sa mga karapatang pantao.

86 volunteers mula sa iba’t ibang parokya sa Diyosesis ng Marbel ang lumahok sa “Write-the-Wrong” paralegal training na isinagawa sa Zoom noong Hunyo 10, 2021. Mga abogado ng IDEALS, Inc. ang nagbahagi sa kanila ng kaalaman tungkol sa mga paglabag sa karapatang pantao, search and seizure, criminal law, at arrest and detention.

Ayon kay Atty. Margaret Callanta, isa sa nagsilbing resource persons para sa training, ang pangunahing layunin nito ay ipaalam sa mga tao ang karapatan nila at kung paano nila maipagtatanggol ang kanilang komunidad.

“Kailangan nilang maintindihan: ano ba itong konsepto ng paglabag sa karapatang pantao? Paano dapat kinakausap ang mga nakakasaksi ng paglabag? Anu-ano ang mga batas na maaaring malabag? Sa mga ganitong pagkakataon, kailangan ng background sa batas, at iyon ang itinuturo namin.”

Sinasanay sa batas ang mga volunteer para maging paralegal—mga kaagapay ng kanilang komunidad sa pagbabantay at pag-uulat ng anumang paglabag sa karapatang pantao na maaaring mangyari roon.

Isa si Jun Diocades sa mga lumahok sa workshop, at ayon sa kanya, magagamit niya ang mga natutuhan niya sa kanyang paglilingkod bilang purok chairperson sa kanilang barangay.

“Sa pagse-search ng bahay ng tao, isa pala dapat ako sa magiging witness. Kaya dapat alam ko [ang batas]: kung ano ang dapat hanapin sa search warrant, kung valid ba ito. Kasi kung hindi natin alam ang batas, maaari po tayong mabiktima o maloko.”

Dati nang nagsasagawa ang IDEALS, Inc. ng legal rights education sa iba’t ibang komunidad, pero ayon kay Atty. Callanta, nagbago ang nilalaman ng mga workshop nang dahil sa pandemya.

“Kung ano ang issues na laganap sa komunidad, iyon ang isinasama namin [sa mga workshop]. Noong pre-pandemic, illegal arrests o detention at war on drugs ang tinatalakay namin. Ngayon naman, maliban sa mga iyon, dinagdag din namin ang community quarantine violations at ‘yung mga community pantry.”

Ang workshop ay ang ikalawa sa tatlong bahagi ng paralegal training na ibibigay ng organisasyon para sa Diyosesis ng Marbel. Sa ikatlong sesyon, na gaganapin sa Hulyo 2021, tuturuan naman ang volunteers ng pagdokumento at pagkalap ng ebidensya ng mga paglabag sa karapatang pantao.