HUMAN RIGHTS

PAGHILOM: Ang Pagpursigi ng 12 Kababaihan Para Sa Kanilang Karapatang Pantao

By Sly Custodio

Sa panahong patuloy ang pang-aabuso ng estado sa ating karapatang pantao, paano nito hinuhubog ang ating kahulugan ng pagiging matapang?

Inalam ito ng labindalawang kababaihang sa kanilang lakbay patungo sa paghilom bilang mga survivors of human rights violations (HRV survivors).

Ang labindalawang kababaihang ito ay mga batch coordinator ng Paghilom, isang programa para sa mga pamilyang biktima ng giyera konta droga, na lumahok sa Project BRAVE.

Ang Paghilom ay isang proyekto ng AJ Kalinga Foundation Inc. (AJKF Inc.) para sa pagproseso ng mga pamilya ng HRV survivors ng kanilang hindi kanais-nais na karanasan at trauma. 

Dahil sa proyektong ito, at sa pangmatagalang pagtutulungan ng AJKF Inc. at IDEALS, Inc. para sa paglaban para sa karapatang pantao, madali ang naging pakikipag-ugnayan ng dalawang organizasyon para sa Project BRAVE.

Kilala bilang “Empowering and Building Resilience Among Victims of Extrajudicial killings and HRV Survivors”, ang Project BRAVE ay nagnanais magbigay-lakas sa mga HRV survivors upang maging tagapagtanggol ng karapatang pantao.

PAGHILOM: Nagkaroon ng online at face-to-face sessions ang mga kalahok ng Project BRAVE, kasama ang Networking, Advocacy, and Social Work Team ng IDEALS. Photos from Raevene Morillo.

Naganap ito mula Oktubre ng nakaraang taon hanggang Marso nitong taon. Ito ay binubuo ng mga sesyon kung saan napagnilayan ng labindalawang kababaihan ang kanilang mga karanasan at nakapagtalakay ng mga batas na may kaugnayan sa kanilang konteksto.

Dahil sa Project BRAVE, mas naging panatag ang kanilang mga loob tungo sa paglalakbay sa paghilom sa kanilang mga dinanas, at sa pagiging tagapagtaguyod ng karapatang pantao.

Nang sila’y tanungin tungkol sa kanilang kahulugan ng pagiging matapang, heto ang kanilang sagot:

Mahalaga kasi nagkakaroon ng pagkakaisa… tumatapang [tayo]…nagkaroon ng kakampi na tutulong sa amin na makamit yung hustisya…maipagtanggol [naming] ang sarili dahil may alam na…kung pano sasagot sa tamang paraan. Baka pag nalaman nila na may alam kami, mas hindi kami maaabuso. Lumalakas ang loob ko.”

Sa pagtatapos ng Project BRAVE nitong Marso, umaasa ang labindalawang kababaihan na makakapaghimok pa sila mula sa kanilang mga komunidad na sumali sa kanilang grupo ng tagapagtanggol ng karapatang pantao. 

Nais nilang makapagpasali ng 75% ng kanilang kapwang miyembro sa Paghilom ngayong 2021. Nais din ng mga coordinator na magkaroon ng kumpletong legal documentation para sa lahat ng pamilyang apektado sa giyera kontra droga upang makapagfile para sa reparation pagdating ng tamang panahon.