HUMAN RIGHTS

Online Legal Mission, Hatid ng ZOOMBUNGAN ng Bayan

By Pauline Abello

Kahit pa naantala ng pandemya ang paghahatid ng legal missions sa komunidad, patuloy ang pagbibigay ng libreng legal advice mula sa mga abogado ng IDEALS, Inc.

Humigit kumulang sa 458 kliyente ang kumunsulta sa mga abogado sa pamamagitan ng ginawang “online legal mission” gamit ang zoom.

“Maganda yun programa dahil nakakapagbigay tayo ng payo sa mga nangangailangan kahit pandemya. Dahil online siya, nakakausap din natin kahit ang mga taga-Visayas at Mindanao,  na hindi karaniwang napupuntahan ng mga legal mission ng IDEALS,” ani Atty. Irene Pua.

Sama sama ang mga abogado ng IDEALS para sa Zoombungan ng Bayan upang maghatid ng ligal konsultasyon gamit ang online platform na “Zoom”

Ang proyektong “Zoombungan ng Bayan” ay inilunsad ng IDEALS, Inc. at Sumbungan ng Bayan ng GMA Network Inc. noong Abril 30 upang patuloy na makapaghatid serbisyo sa mga nangangailangan. 

Dahil sa breakout rooms ng Zoom, maaari nang magsagawa ng sabay-sabay ngunit pribadong konsultasyon ang mga kliyente. 

Sa nakalipas na walong session, napag-alaman na karaniwang nakasentro ang mga isyu ng kliyente ukol sa kanilang mga karapatang pantao lalo na sa mga usapin ng trabaho, pabahay at suporta sa pamilya. Mayroon ring mga tanong tungkol sa pang-aabuso at red-tagging. 

Dati nang nagpupunta ang grupo sa mga komunidad upang magsagawa ng legal missions. Noong nakaraang taon, kahit sa gitna ng pandemya, naisagawa rin ito sa dalawang barangay sa Marikina na lubhang naapektuhan ng bagyo. 

Dahil hindi pa rin natatapos ang krisis na ating kinakaharap, layunin ng grupo na patibayin ang inisyatibang ito upang mas marami pa ang matulungan ng programa. 

“A prevailing issue in our society today is the high cost of quality legal services that may result in proper access to justice and achievement of justice. Being given a platform to provide free legal services, amid the covid-19 pandemic, is a service to all fellow Filipinos that should be continued and replicated. Mabuhay ang SNB!”