RIGHTS IN CRISIS AND EMERGENCIES
KAPAYAPAAN SA MAMASAPANO, KAILAN KAYA?
Omar Pakamaman
Alas singko ng umaga noong ika-18 ng Marso nitong taon nang nagmistulang alarm clock ang putukan sa aming bayan sa Barangay Dabenayan, Mamasapano. Parang nagbaliktad ang mundo ko noon nang magising sa mala-bangungot na reyalidad. Dala ang mga alagang baka, kalabaw, at manok, ay nilisan namin ang bahay. Muntik na akong matamaan ng ligaw na bala, habang natataranta sa paghanap ng ligtas na lugar. Malakas ang iyak ng bagong silang kong pamangkin, pero hindi ito maihahambing sa ingay ng putukan.
Mga alagang baka, kalabaw, at manok na dala nila Omar sa paglisan sa kanilang bahay.
Kinalaunan ay nakarating kami sa Mahad Libutan, isang paaralang ikinonbert na evacuation center para sa mga tulad naming bakwit. Isang gabi habang nagsasaing at nagluluto ng sardinas si ina, ay may nahulog na bala malapit sa kanya. Hindi pa man luto ang hapunan ay kinailangan na naming lumipat sa isa pang evacuation center, sa Libutan Elementary School.
Habang pansamantalang nakatira sa Libutan Elementary School ay malubha akong nagkasakit. Takot nina ama at ina ay baka ako pa ang unang magpaalam sa kanila. Walang sapat na pagkain at gamot sa evacuation center, at hindi rin maayos ang antas ng pamumuhay dito. Mainit at siksikan sa mga tents kung saan kami natutulog, at walang sapat na tubig para sa lahat. Wala akong naisip nang mga oras na iyon kundi awa sa aming sitwasyon – sa akin habang nakahiga sa ikam, at sa aking magulang na walang magawa sa sitwasyon namin.
Isang paaralang ikinonbert na evacuation center para sa mga bakwit.
Kuwento ng mga matatanda, nagsimula raw ang bakbakan dahil ipinaglaban ng mga residente ng Barangay Dabenayan ang mga lupang gustong sakupin ng mga sundalo. Hindi nagkasundo ang iba’t ibang partidong sangkot sa away, kaya umabot sa gulo kung saan nadamay pa ang mga sibilyang walang kaalam-alam sa hidwaang ito, katulad namin.
Maraming katanungang tumatakbo sa isip ko noon na hanggang ngayon ay hindi pa rin nasasagot. Kailan ba matatahimik ang aming lugar? Ilang paglikas at pagbabakwit pa ang dadanasin namin hanggang mapagtanto ng mga kinauukulan kung gaano kalaking problema ang gulo sa aming lugar? Buong buhay na lang ba kaming maghahanda para sa susunod na paglikas?
Tahanan ni Omar at ng kanyang pamilya
Laking pasasalamat ko at ng aking pamilya sa mga organisasyong nagabot ng tulong sa amin at tumugon sa aming pangangailangan. Ngunit panawagan namin na hindi na muling kailanganing humingi ng tulong mula sa iba, dahil wala nang pangangailangan sa paglikas.
Nito lang nakaraan ay nakabalik na kami sa aming bahay. Nakakapaglaro na ang mga pamangkin at kapatid ko sa aming lupa. Nakakapagsaka na uli ang aking mga magulang. Masaya akong makitang tila bumalik na uli kami sa dati, pero patuloy na bumabagabag sa akin ang isipang hindi kami tuluyang matatahimik hangga’t hindi makakamit ang tunay na kapayapaan sa Mamasapano.
This article first appeared in the Sinagtala newsletter’s September 2021 issue.