RIGHTS IN CRISIS AND EMERGENCIES
Ang aking boses patungo sa kaunlaran ng komunidad
Sulat ni Jasmerah Comadug
Dahil sa kagustuhan kong tumulong sa aming mga kapatid sa Marawi City, maraming pagsubok ang dumaan at kinailangan kong malagpasan.
Bilang isang Management of the Dead and Missing (MDM) champion, nagsimula ako sa pag-survey at pagsusulat ng mga impormasyon ng mga namatayan at nawalan noong kasagsagan ng Marawi siege.
Pinili kong tumulong dahil kabilang ako at ang aking pamilya sa nawalan ng ama, kaya alam ko ang hirap at pighati na dulot ng gulo na ito. Iniisip ko pa lang yung mga nangyari sa amin, napanghihinaan na ako ng loob.
Nakita namin at naranasan ang hirap ng pag-proseso at pag-kolekta ng mga mga papeles noon dahil kung saan-saan kami pinapapunta na mga government agencies. Muntik nang sumuko ang nanay ko at nasabi ko nalang sa sarili ko na sana ay may mas madaling paraan para ayusin ang mga ganitong requirements dahil nakakawala ng lakas ng loob ang ganitong proseso para sa mga pamilyang nawalan.
Nalaman ko lang ang tungkol sa MDM noong 2019, kung kailan nagsimula ang Bring VOICE to MDM project ng IDEALS sa amin. Noong biglang dumating ang proyekto ay napagtanto ko na meron palang paraan upang mapadali ang prosesong pinagdaanan namin sa Marawi siege, na may mga karapatan rin pala ang mga namtayan at namatay sa kalamidad, at na pwede rin itong magkaroon sa aming lugar.
Dito na nagsimula ang pagnanais namin ng maayos na serbisyong MDM sa Marawi.
Kung saan-saang lugar at barangay rin ako napadpad para mag-survey at hanapin ang mga pamilyang namatayan at nawalan sa Marawi siege. Hindi naging madali ang pakikipag-usap sa kanila, dahil pinapaalala mo sa kanila muli ang sakit na matagal na nilang kinakalimutan.
Kasabay pa nito ay ang alaala ng mga delay, ang hirap ng paglakad ng papeles, at ang paulit-ulit na pagbisita sa mga opisina kung saan minsan ay di sila nabibigyan ng pansin.
Doon ko nakuha yung lakas ng loob na dapat talaga ito ay mapansin ng gobyerno hanggang maipasa ang ordinansang magbibigay tulong sa mga namatayan sa Marawi siege.
Noong Nobyembre 2020, humantong ang pangarap ko na ito sa aking pagdalo sa Regional Conversation on MDM, kung saan ako’y nagsalita sa harap ng mga opisyal ng Bangsamoro Autonomous Region of Muslim Mindanao (BARMM) at umapila sa kanila upang tulungan ang mga namatayan sa Marawi siege.
Sa panahong iyon, inaasahan ko na mapansin din nila yung mga katulad ko na uhaw sa tulong ng gobyerno. Naaalala ko, sobra yung takot na nararamdaman ko habang ako ay nakatayo at pinapanood nila yung video ko. Ano kaya ang iniisip nila?
Sa sarili ko ay alam ko na sana ay maging instrumento ang aking storya para kami ay mapansin at ibigay ang hiling namin para sa aming komunidad. Hanggang sa aking pagsalita, nanginginig ako sa takot at kaba. Ngunit ako ay lubos na nagpasalamat dahil natapos ang araw na yun nang matiwasay at masaya dahil damang-dama ko yung gusto nilang tumulong sa amin sa anumang paraan.
Ngayon, ako ay umaasa na sana hindi matapos sa salita ang suporta na ito at kami’y tunay na matulungan nila para magbunga ang paghihirap at pagod namin at, higit sa lahat, upang makamit namin ang minimithing tulong sa mga namatayan at nawalan noong Marawi Siege.
Si Jasmerah Comadug ay community champion ng IDEALS para sa proyektong Bring VOICE to MDM. Kabilang siya sa mga volunteer na kasama ng IDEALS sa pag-survey ng mga at pagsumite ng draft ordinance para sa MDM sa Marawi.