RIGHTS IN CRISIS AND EMERGENCIES

Unti-unting pagtungo sa kapayapaan

 

Sulat ni Sarah Macabangen

“Kapag mula bata ka pa ay naranasan mo na yung giyera at pag evacuate ay napaka laki ng epekto nito sa iyong pag-iisip, lalo na kapag wala ka nang babalikang tahanan dahil sunog na ito o di kaya ay butas-butas ang dingding bubong at pintuan sanhi ng giyera,” sabi ng isang community member na nakaranas ng giyera at bakbakan.

Dahil sa proyektong ito, nakasama ko ang mga bereaved families sa Maguindanao. Mula noon hanggang ngayon ay wala pa rin silang seguridad dahil nandoon pa rin ang gulo, giyera, at patuloy na palipat-lipat ng lugar dahil sa bakbakan.

Tama, masasabi natin na ang kapayapaan ay ang kawalan ng gulo at giyera, lalo na dito sa Mindanao. Ngunit para sa akin, ang totoong kapayapaan ay dapat nararamdaman ng bawat isa sa araw-araw nating pamumuhay. Dapat tayo ay may sapat at masustansiyang pagkain sa hapagkainan, nakakapag-aral ang bawat kabataan nang walang pangamba o takot, at panatag rin ang loob ng kanilang mga magulang. Hindi sapat na matutunan lang ang mga konsepto ng kapayapaan, kailangan ay magkaroon din ng sapat na kaalaman at nahihimok ang mga tao na ipaglaban ito.

Sa aking pag-ikot sa mga komunidad, masasabing marami pang kailangan tahakin patungo sa kapayapaang ito. Madalas nagkakagiyera sa panahon ng pag-ani ng tanim sa ilang mga komunidad na nabisita namin sa Shariff Aguak. Napakalaking epekto nito para sa mga sibilyan. Kasabay nito ang pagkawala ng mahal nila sa buhay at kawalan pa rin ng katahimikan sa kanilang lugar.

Ika ng isa pang miyembro ng komunidad na nakausap ko, “Naranasan pa naming habang himbing na himbing kami sa aming pagtulog sa gabi ay magigising na lang kami at lilikas. Ilang beses na naming naranasan na sa mahal naming tahanan kami nagsisimulang matulog sa gabi, pero sa ilalim ng mga puno ng niyog na kami inuumaga dahil sa giyera.”

Akala raw niya dati ang pinakamahirap na naranasan niya ay yung maiwan ang lahat ng gamit nila sa bahay, pero wala na palang mas isasakit at ihihirap kapag ang mahal mo sa buhay ang nawala.

Mayroong isang beses na nag-survey kami at kahit ako ay nakaramdama rin ng lungkot. Andoon pa rin ang mga bakat ng bala sa kanilang mga bahay, maging sa kanilang pinagtataniman ng palay. Natatakot silang galawin baka daw pumutok at pwedeng maging dahilan ng kanilang kamatayan. Napakadelikado yun para sa kanila.

Kaya nasasayahan rin ako na marami ang natutuwa sa pag-ikot naming at pagturo ng Management of the Dead and Missing (MDM) sa mga komunidad dahil kahit papaano nabawasan yung sakit, pangungulila, at hirap na kanilang dinanas at nararamdaman. Para sa mga hindi nakakaalam, ang MDM ay tumutkoy sa tamang pag-obserba ng karapatan ng mga namatay at namatayan sa kalamidad o konplikto.

Laking pasasalamat daw nila sa dahil sa programang ito ay nagkaroon sila ng pag-asa na mabigyan katarungan at kapayapaan ang kanilang mahal sa buhay na pumanaw sanhi ng armed conflict di lamang ngayon kundi mula pa noong martial law at iba pang insidente ng gera. Sa nawawalan naman ng kamag anak, nais lamang nilang malaman kung ano ba talaga ang nangyare sa kanilang mahal sa buhay na nawala.

Bagamat marami pang kailangan gawin patungo sa kapayapaan, ang mga bagay na ito ang nagbibigay pag-asa sa akin na maaatim ang ninainais na katiwasayan sa mga komunidad na ito.

Si Sarah Macabangen ay community champion ng IDEALS para sa proyektong Bring VOICE to MDM. Kabilang siya sa mga volunteer na kasama ng IDEALS sa pag-survey ng mga at pagsumite ng draft ordinance para sa MDM sa munispalidad ng Shariff Aguak.