HUMAN RIGHTS

18,292 clients, natulungan ni Tisya Hustisya sa unang taon!

By Soleil Vinoya

Aabot sa humigit kumulang 18,292 na kliyente ang nabigyan ng libreng legal advice ni Tisya Hustisya sa nakalipas na isang taon. 

Inilunsad ang programang ito ng Initiatives for Dialogue and Empowerment through Alternative Legal Services (IDEALS), Inc. noong Hunyo 2020 para matugunan ang kawalan ng access sa legal services at mailapit ang mga serbisyong legal sa mga nangangailangan.

Maaari nang kumunsulta sa mga abogado ng organisasyon sa pamamagitan ng pag-chat sa Tisya Hustisya Facebook Page o pag-text sa mga hotlines. Si Tisya Hustisya ay isang human rights chatbot na maaaring sumagot sa mga katanungang legal tungkol sa iyong karapatan at saligang batas.

Bukod sa pagbibigay ng libreng legal advice, nakatuon ang Facebook page ni Tisya Hustisya sa paghahatid ng edukasyon at impormasyon upang patibayan ang kaalaman ukol sa karapatang-pantao ng mga mamamayan.

Gumawa ng mga Facebook groups ang programang Tisya Hustisya para ligtas at malayang matugunan ang mga pangangailangang legal ng mga nangangailangan. 

Nitong Hunyo 2021, inilunsad rin ang mga Facebook groups para sa mga manggagawa at kababaihan.

Naglalayon itong magbigay ng ligtas na espasyo upang magtanong at magkaroon ng diskurso tungkol sa kanilang mga karapatan. Sa loob ng dalawang buwan na ito, mahigit 500 na rin ang mga miyembro ng bawat grupo. 

Nagkaroon na rin ng Facebook Live sa loob ng parehong grupo, kung saan tinalakay ang mga kaakibat na mga batas at karapatan ng naturing na paksa, at nabigyan ng pagkakataon ang mga nanonood na humingi ng payo mula sa mga abogadong naroroon. 

Bagamat nagsisimula pa lang ang mga inisyatibong ito, makikita na ang patunay na malaki ang pangangailangan ng mga tao sa maaasahan at accessible na legal services. Kaya naman layunin ng programa na mas lalong paigtingin pa ang paghahatid ng serbisyo ni Tisya Hustisya. 

###